NEWS
RESOURCES
FORUM
ARTICLES
FIELD NOTES
COMMUNITY INITIATIVES
PHOTO GALLERY
ABOUT US
HOME
SA MULING PAGSIKAT NG ARAW
ni Cyrus Pangan
Paligid ay unti-unting nilamon ng dilim
Nang dumating ang pagtatakip-silim,
Malamig na simoy ng hangin ay nagsimula na rin
Walang anumang makita’t daig pa ang nakapiring.
Gabi’y tahimik mang matuturingan,
Subukang magmasid at makiramdam;
Mga bulong at muon ang nanggagaling sa kung saan,
Anupa’t pawang may ibig matagpuan.
Sa gitna ng mahabang karimlan
Patuloy ang paglalakbay ng kasamaan
Bumibiktima sa mga inosenteng isipan,
Sumisira sa bawat payapang tahanan.
Patuloy ang paglalim ng gabi
Hinagpis, pighati’t daing pilit isinasantabi,
Gising man ay wala ring silbi
Kung mata’y nagbubulag-bulagan at waring napipipi.
Hanggang kailan ang ganitong bangungot?
O, bakit kaytagal, hanggang saan pa ba abot?
Makaya pa kayang salagin ang bawat suntok?
Maawa nawa’t dinggin ang himutok.
Sa hustisya karamihan ay uhaw
Mumunting liwanag bakit tila pumapanglaw?
Di nga ba sapat ang bigay na ilaw?
Naghahangad na masinagan sa muling pagsikat ng araw.
Oh, katarungan nasaan ka?
Kailan ka ba tunay na magpapakita?
Kahit kay-ilap mo’y patuloy na umaasa;
Sana sa muling pagsikat ng araw ay masilayan ka na.
Ngunit kailan nga ba ang pagbubukang-liwayway?
Katarungang hinahanap, kailan maibibigay?
Kailan aanihin ang mga uhay ng palay?
Kailan, oh, kailan ang muling pagsikat ng araw?
NEWS
RESOURCES
FORUM
ARTICLES
FIELD NOTES
COMMUNITY INITIATIVES
PHOTO GALLERY
ABOUT US
HOME