Make your own free website on Tripod.com

NEWS    RESOURCES    FORUM    ARTICLES FIELD NOTES
COMMUNITY INITIATIVES    PHOTO GALLERY    ABOUT US 

KUNG PAANO NAITITINDA ANG HINDI NAPAPANSIN

Indigenous People’s Rights

 

     

        Ano nga ba ang pumapasok sa isipan ng karamihan kapag nasabi ang mga salitang Igorot, T’boli, Aeta, Lumad o Mangyan? Sa mga pangalan pa lamang, alam na natin na mga katutubong Pilipino ang mga ito. Marahil nailalarawan sa ating isipan ang lalakig nakasuot ng bahag, maitim na babaeng kulot at mga taong maramig suot na alahas sa tainga, ilong at kung saan-saan. Maaaring pinag-iisipan din natin kung masakit ba  ang pagkalagay ng mga alahas na iyon. “Weirdo”, kadiri, kakaiba, kahiya-hiya, baduy, at makaluma malamang ang mga unang paglalalrawan natin sa kanila. Marahil, ang namamayaning kanluraning kultura ang nagbubungsod sa ganitong reaksyon. Iba na kasi ang normal sa atin. Maaaring malayo sila sa atin hindi lamang sa nasa liblib silang mga lugar, ngunit malayona rin ang ating mga pananaw, paniniwala at pag-iisip. Natuto tayong isantabi sila sa lipunan at tignan sila na para tayong mga turista na lamang. Nakakalimutan ang katotohanag mas malapit sila sa atin kaysa nais nating aminin. Dahil dito, kakaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa kanaila. Kung gayon, paano pa kapag may problema sila? Kung ganito ang palagay ng karamihan sa ating simpleng mga mamamayan, paano na ang mga opisyal ng ating pamahalaan? Nasa gitna tayo ng pagpapaunlad ng bansa kung kaya nakakalimutan o kaya ay naisasantabi ang ating mga katutubo. Bilang resulta, maraming mga suliranin ang lumalala. Maraming mga paglabag sa kanilang mga karapatan ang hindi naaksyonan. Sa ganitong sitwasyon, walang ibang interesado kundi ang mga katutubo at kanilang mga pinuno mismo.

  

 

      Tunay na nasa ating pagkatao ang pagnanais na umunlad. Maaring ito ay ang pag-unlad ng sarili na sinusundan ng pagpapaunlad ng bansa. Ngunit hindi magiging tuluyan ang pag-unlad kapag hindi alalahanin ang pinagsimulan. Kung sa ating sariling pag-unlad ang pag-uusapan, kailangan ang lubos na pagkilala sa ating pagkatao. Ksama dito ang mga tanong kung saan tayo nagmula. Sino ang ating mga ninuno? Ano ang namana natin sa kanila na maaaring makatutulong sa atin? Gayon din ang malawakang pagpapaunlad sa bansa. Kung ekonomiya ang pag-uusapan, maaari nating bigyang-pansin kung saan ba naka-ugat ang mga kayamanang nagpapabuhay sa ating ekonomiya. Babalik at babalik tayo sa ating mga ninunona unang nagmay-ari sa mga lupang pinagkukunan natin ng mga kayamanang ito. Ang mga kaalaman sa paggamit ng mga kayamanang ito na hindi nasisira ang balanse sa kalikasan.

       

 

        Samantala, kakaunti lamang ang alam natin tungkol sa mga katutubo. Nabibigyang pansin lamang sila tuwing Indigenous People’s Month o kapag napakalala ng paglabag sa kanilang mga karapatan. Marahil nagbubuhat lamang mula sa mga balita ang impormasyonng nakukuha natin ukol sa kanila. Tunay na imposibleng malaman ang lahat ng bagay ukol sa aknila ngunit makatutulong ang simpleng pag-aalala at pagkilala na bahagi sila ng ating lipunan.

     

 

        Sa paglikom ng mga balita mula sa mga nakalipas na taon, mayroong lumalabas na karaniwang mga suliranin ng ating mga katutubo. Ito ay ang mga problema sa komodipikasyon at asimilasyon nila sa lipunan. Nagbuhat ito sa pagkawala nila ng lupa, kakulangan ng pansin ng pamahalaan at ng mga mamamayan, at kung napansin man, ang diskriminasyon  at pang-aabuso sa kanilang mga karapatan na nagmula sa pagiging iba nila sa namamayaning kultura sa lipunan.

        

 

ANG PAGBEBENTA NG LUPA AT KULTURA  

 

         Noong 1998 sinimulan ang paggawa ng isang megadam na tinatawag na San Roque Dam sa rehiyon ng Cordillera. Proyakto ito na suportado ng pamahalaan at ng isang korporasyong binubuo ng Marubeni Corporation at Kansai Electric Power Company ng Japan kasama na rin ang US Sithe Energies. Malapit na itong matapos sa kabila ng pagpoprotesta ng mga Ibaloi at ang ilang mga NGO na tumutulong sa kanila. Higit sa 60,000 tao na ang nasalanta sa paggawa ng megadam na ito dahil sa pagkawala sa lupa, kabuhayan at mainam na paninirahan. Namamatay ang kultura nila kasama ang matatandang hindi nakakayanan ang kaibahan ng lugar na pinaglipatan nila. Pangatlong beses na itong nangyari sa mga Ibaloi dahil sa paggawa ng Ambuklao at Binga Dam, na malapit din sa kanila. Nagging matagumpay sila sa pagpigil ng paggawa ng Chici River Dam, ngunit kailanagn pangang kinikilala nilang bayani na si Maclijing Dulag para magawa ito.

      

 

       Sa Mindanao naman, patuloy pa ring nilalabanan ng mga Subanon ang Toronto Ventures Inc., isang kompanyang minahan mula sa Calgary Canada. Inokupahan  na ng kompanyang ito angang kanilang lupa sa Canatuan mula pa noong 1994. Siyam na taon nilang inaagawan ng kabuhayan at napapasailalam sa diskriminasyon at karahasan. Dahil sa barikadang itinayo ng kompanay, walang nakadadaan na hindi hinaharang ng mga agresibong guwardya. Hindi rin nakadaraan ang mga serbisyong pangkalusugan sa kanila. Hindi pinahihintulutang dumaan ang kanilang pari sa kanilng sagradong lupa. Mayroon na silang namatay dahil sa karahasang dulot ng militarisasyon sa lugar.

     

 

        May mga batas na ipinatupad na nagllayong maprotektahan ang mga karapatan ng mga katutubong ito sa lupang ninuno nila, ngunit maraming butas sa mga batas na maaaring lusutan upag hindi maputol ang daloy ng kalakalan na siang prayoridad ng pamahalaan.

      

 

        Para mabuhay, marami sa mga katutubo ang lumuluwas sa mga lungsod para mahanap-buhay. Marami naman ang naiiwan para pagkakitaan ang mga turistang bumibisita. Dtio na pumapasok ang komodipikasyon ng kultura. Isang malinaw na halimbawa ang mga matatandang Igorot na nagpapakuha ng litrato sa Banaue Rice Terraces. Walang iba kundi kahirapan ang nagtulak sa kanilang kalimutan ang kanilang dignidad at pumayag na magmistulang bagay pang-turista tulad ng babaue Rice Terraces na tinatalikuran nila. Bakit naman sila pipigilan kung nakakaakit naman sila ng mga turista? Pati ang Banaue Rice Terraces ay hindi nakakatakas sa komodipikasyong ito. Kung dati ay palay ang itinatanim dito, mga “cash crops” tulad ng mga asparagus at bulaklak ang itinatanim ngayon. Isa-isa na ring itinitinda ang mga bahagi ng palayan dahil sa ayaw nang manahin ng mga sumusunod na henerasyon ang palayan, at dahil na rin sa kahirapan.

 

 

ANG KONTROBERSYA SA RA 8371

 

        Hindi naging sapat ang pagbibigay ng karapatan sa mga katutubo sa konstitusyon kung kaya ipinatupad ang Indigenous Peoples Act noong 1997. isinulat ito ni Senator Juan Flavier na siayng namumuno sa Senate Committee on Cultural Communities. Itinatag ang batas na ito para maisakatuparan ang pakikilahok ng mga katutubo sa paggawa ng mga batas o polisiyaat matuunan ang kanilang mga karapatan sa lupang ninuno. Sa ilalim ng batas na ito naitatag, ang National Commision on Indigenous Peoples. Ito ang sinasabing pangunahing ahensya ng pamahalaan na namamahala sa pagtulong sa mga katutubo, at pakikinig at pag-bibigay aksyon bilang tugon sa kanilang mga hinaing. Malaking kapangyarihan ang ibinigay sa ahensyang ito. Kung ang Department of Environment and Natural Resources dati ang siay lang may kapangyarihan sa pagbigay ng Certificate of Ancestral Domain Titles, na nagmula lamang sa mga Certificate of Ancestral land or Domain Claims, ang NCIP na ang may hawak nito.

   

 

          Samantala, apagkalipas ng higt sa apat na taon mula ito itinatag, higit na nagkaroon ng gulo ukolsa mga karapatang ninuno at lumalabas na mas napagpapalawak ng paglabag sa karapatan ng mga katutubo ang batas na ito. Marami ang tumututol sa batas an ito dahil sa ilang dahilan tulad ng hindi pakikiayon ng batas na ito sa konstitusyon mula pa nang isinimulan ito. Ito ang dahilang gamit ng malakas na oposisyon kung saan kasama ang mga kompanya sa minahan at pagtotroso. Ngunit sa kabila ng lahat, ipinatupad pa rin ito.

    

 

            Hindi tuluyan ang kasiyahang nadama ng ating mga katutubo ukol sa pagtupad ng batas na ito. Unti-unting lumabas ang mga butas na maaaring daanan ng mga makapangyarihan. Unang-una, hindi malinaw na tuluyang paglilala sa kanilang mga karapatan sa mga lupang ninuno nila. Pinapahirapan ng DENR ang NCIP na magbigay ng mga Certificate of Ancestral Land o Domain Titles dahil sa oposisyon ng mga namumuno dito sa mga probisyon sa IPRA. Ayon din sa mga katutubo, iniiba ng mga opisyal at mga commissioner na inilagay sa NCIP ang pamumulitika kaysa ang pagtugon sa mga hinaing. Ikalawa, nasa pamahalaan pa ring ang huling salita tungkol sa mga lupaing ninuno. Ayon sa IPRA, hindi maaaring alisin ang mga katutubo sa kanilang mga ninuno kung hindi sila lahat pumayag. Ngunit mayroon tayong tinatawag na “eminent domain”, na nagsasabing pagmamay-ari ng estado ang lahat ng lupangnapapailalim dito. Kung piliin ng estado na suportahan ang isang kompanya sapaghihimasok sa lupang ninuno para sa dahilang pang-ekonomiya, maaari pa ring paalisin ang mga katutubo. Pangatlo, ayon din sa IPRA, hindi maaaring itinda ang Ancestral Domain. Tila nakikigamit lamang ang mga kompanya sa lupa sa kanilang pagmimina, pagtotroso o paggawa ng dam. Ngunit dapat kasama ang mga ninuno sa negosasyon ukol sa mga nanghihimasok na mga kompanyang ito. Karapatan din nila na makatanggap ng kompensasyon na maaaring sa katawan ng salapi. Kung gayon, napapaalis ang mga katutubo sa kanilang mga lupa na hindi nila itininda at namumuhay sa kakaunting kompensasyong ibinigay ng kompanaya habang inuubos nito ang kayaman mula sa lupa nila.

 

 

AKSYONG GINAWA NI GMA

 

              Pinaka-unang Executive Order ng Pangulong Gloria-Macapagal Arroyo ang pagtatatag ng Office of the Presidential Adviser on Indigenous Peoples Affairs noong ika-20 ng Pebrero, 2001. Inatasan ng pangulo si Howard Q. Dee na mamuno dito. Naglayon itong maayos ang pagbibigay ng mga Certificate of Ancestral land o Domain Titles at magkaroon ng quick response mechanisms sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga katutubo. Kasama rin dito ang paglikom ng pera para maipatupad ang sinasabing master plan para sa mga katutubo. Sumunod namn ang pangako ng Pangulo na maipamimigay ang 100 Certificate on Ancestral Land or Domain Titles pagdating ng ika-30 ng Hunyo. 2002. sa ngayon, wala pa rin ni isa ang naipapabigay sa mga katutubo. Sinisisi ng Pangulo ang NCIP.

         

 

              Sinisisi naman ang Pangulo ng mga katutubo adhil sa kawalan ng suporta sa pagbuo ng badyet para makagalaw ang NCIP. Ayon sa Mindanao Indigenous Peoples Peace Negotiating Panel, nauubos ang 300-milyong pisong ibinigay sa pangbayad pa lamang sa mga empleyado ng NCIP na nagkakahalagang 308 milyong piso. Kulang na ang P70 milyong natira. Sa kabilang banda, namatay ang OPAIPA at walang partido ang pangunahing kumakatawan  sa mga katutubo sa pamahalaan. Sa ngayon, patuloy na hindi napapansin ang kahilingan ng mga katutubo. Sa lahat ng nangyari, tila walang nagbago. Ang mga katutubo mismo, mga opisyal ng pamahalaan na katutubo din at mga NGO pa rin ang pumapansin sa mga suliranin.

 

 

ASIMILASYON SA LIPUNAN

 

             Laganap ang makakanluraning kultura sa ngayon. Malayo ang kinikilala nating normal na pamumuhay sa kinikilala ng mga katutubo. Dala ng kahirapan, ng pagkawala sa lupa at ng kawalan ng pansin ng pamahalaan, napipilitan ang mga katutubo na makiayon sa uri ng pamumuhay at kulturang namamayani sa lipunan. Kung hindi naman, maaaring dahil sa sama ng loob, sumasalungat sila at sumasama sa mga nagrerebelde laban sa pamahalaan. Suabli’t anuman ang kanilang napili, malaki ang posibilidad na mapasailalim pa rin sila ng diskriminasyon. Dahil sa simple lamang ang dati nilang pamumuhay, mahirap silang makahanap ng hanap-buhay, sapagkat higit na pinipila ang mga taga-lungsod na nakapag-aral.

           

 

                Maaaring dahil sa kanilang pakikihalubilo at ating makakanluraning mga pananaw, mayroon lumalaganap na tinatawag nilang ‘ethnic culture” na siyang popular sa mga kabataan sa ngayon. Ito ang paraan ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa sining at kultura ng ating mga katutubo. Tila malapit tayo sa ating mga katutubo sa pagsusuot ng ng mga palamuti sa katawan na di nalalayo sa mga gamit nila. Napapalawak ang ating kaalaman tungkol sa kanila dahil sa pangongolekta ng mga paso o ng mga inukit nila. Ngunit may pagkukulang ang ganitong antas ng pagpapahalaga sa kanilang sining at kultura. May pagkamakasarili ito. Hinahangaan natin ang pagka-masining ng ating mga katututbo dahil sa kakaiba ang mga ito, ngunit ganoon pa rin ba ang pagtingin natin sa mga ito kapag tinawag tayong mga Igorot? Kapag sinabing may hawig tayong Subanon, Igorot o Aeta, maiinsulto ba tayo? Bagamat walang lubusang aamin na mababa ang tingin natin sa mga katutubo ngunit ang pagkakaroon natin ng mga istiryotipo sa kanila, lalo lang nating pinapalayo ang ating mga sarili sa kanila.

      

 

               Idineklarang Indigenous Peoples Month ang buwan ng Agosto. Ngunit dapat sa buong taon sila binibigyanng-pansin. Iilan lamang ang mga nasabi sa mga kahirapang nararanasan ng mga katutubo natin. Sa lahat  ng mga katutubo ng bansa, halos magkakapareho ang kanilang mga suliranin. Bilang resulta, nawawala ang kanilang ma kultura., nasisira ang kalikasang dating kaayon ng pamumuhay nila, at wala na silang ibang mapupuntahan pa kundi ang siyudad na hindi nila kilala. Marami pang pangyayaring hindi masyadong nabibigyang- pansin dahil liblib na lugar at wala pang masyadong dokumento. Ngunit kung ang mga paglabag sa karapatan na nailantad sa mga sitwasyon ng mga Ibaloy at Subanon ay wala pang direktang  na ginagawa ang pamahalaan, paano pa yung iba?

     

 

             Kailangan ang lubos na atensyon ng pamahalaan sa mga katutubo para tuluyang maprotektahan ang kanilang mga karapatan, at masiguradong manatiling buhay ang kanilang kultura. Kailangan nila nag representasyon sa Kongreso, tulad halimbawa ng isang partido na mismo na mga katutubo ang miyembro. Maraming maaaring mangyari kapag hindi naagapan ang ang suliranin sa mga katutubo sa ngayon. Ang kaguluhang nangyayari sa Mindanao sa ngayon ay produkto ng lawalan ng pansin ng pamahalaan. Panahon nang matutunan nating lutasin ang ating mga suliranin bgo pa ito lumaganap. Panahon na ring matauhan tayo sa pagrespeto sa karapatan ng iba.    Back to Top

 

 Ruthy Corpuz at Keisi Marfil

mula sa “Matanglawin”

Opisyal na pahayagan ng Filipino Department,

Ateneo de Manila University

 

NEWS    RESOURCES    FORUM    ARTICLES FIELD NOTES
COMMUNITY INITIATIVES    PHOTO GALLERY    ABOUT US