Tahimik na tumangis sa kanyang pag-iisa,
Umagos ang luha sa yaring mga mata,
Umid na labi’y bahagyang ibinuka
Saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga;
Hikbi’t pagluha tanging saksi sa dusang bata
Na dulot nitong nadamang pagsinta.
Nabinbin ang ngiti at naglaho ang saya,
Pintig ng puso’y bumagal pagdaka,
Tigib ng sakit sa tinik na umambala
Sugat ang siyang iniwang tanging alaala;
Patak ng dugo ay di rin nagbawa,
Ang hapdi at kirot ay malaong binata.
Oh, bakit ganito ang sinapit ng puso?
Sa kanyang pagkamusmos, ito’y inilayo;
Oo nga’t pag-ibig ang siyang nagbuyo
Ngunit paanong yaon din ang siyang nagkanulo
Sa malayang pusong ngayon ay bilanggo,
Bilanggo ng kahapon, bilanggo ng pagsintang nag-alimpuyo?
Masdan sa kinasadlakang piitan ng pagsuyo
Abang biktima ng pusong palalo,
Sa kanyang pagtalima ay dito napatungo,
Bumalot ang tanikala sa pusong madugo
Walang patda ang daloy ng luha sa mga matang mugto;
Walang tigil, patuloy hanggang sa matuyo.
Kung ang umibig, katumbas ay magdusa,
Kung ang pagtibok ng puso, kalakip ay pagluha,
Anong hihigit pa sa sakit ng iyong pagkawala?
Ang pagtunton sa landas na pinakakadakila
Sa lupang sinilangang iba ang nagpasasa
Oh, bayan ko, ako’y biktima ng iyong paglaya!
Tahimik na tumangis sa kanyang pag-iisa,
Umagos ang luha sa yaring mga mata,
Umid na labi’y bahagyang ibinuka
Saka nagpakawala ng malalim na buntong-hininga;
Hikbi’t pagluha tanging saksi sa dusang bata
Ng biktimang siyang naghangad ng laya…
NEWS
RESOURCES
FORUM
ARTICLES
FIELD NOTES
COMMUNITY INITIATIVES
PHOTO GALLERY
ABOUT US
HOME